Hiling na Makapagsimulang Muli
- Madelyn N. Solito
- Apr 14
- 2 min read
(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Si Julieta (hindi totoong pangalan) ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 7610, o child abuse. Nangyari ito matapos siyang sumama sa larong bingo sa isang lamay, kung saan ang kanyang mga kalaro ay mga Kabataan.
Habang nagbibingo, isa sa mga batang kalaro—isang 17-anyos na PWD—ay bigla na lamang nagwala. Sa hindi malamang dahilan, ang nasabing bata ay nanakit, at si Julieta ay matinding nasugatan. Dahil sa bugso ng damdamin, hindi napigilan ni Julieta na gantihan ang bata.
Dahil dito, siya ay agad na inaresto at ikinulong sa Karinglan, Kalayaan, Quezon City Women’s Dormitory, nang hindi dumaraan sa anumang proseso gaya ng barangay-level na pag-uusap o pagkakasundo. “Sana ay sa barangay muna idinaan para nagkaayusan,” malungkot niyang sambit.
Sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, matinding lungkot at pangungulila ang pinagdaanan ni Julieta sa loob ng kulungan. Kaya’t upang malabanan ito, sumali siya sa iba’t ibang aktibidad at natutong mag-bake ng tinapay.

Bagaman hindi pa napatunayang guilty, higit dalawang taon siyang nakulong. Sa kabutihang-palad, sinuri ng PRESO Inc. ang kanyang kaso. Matapos ang masusing pagsusuri, tinulungan siya ng organisasyon na makapagpiyansa. Nagbayad ang Preso Inc. ng P40,000. Pansamantala siyang nakalaya noong Disyembre 2021. At noong Hulyo 2024, tuluyan nang na-dismiss ang kanyang kaso.
Dahil sa mapait na karanasang ito, naging mas relihiyoso si Julieta. Hindi na siya nagsusugal o lumalabas upang maglaro ng bingo sa mga lamay. Sa halip, tinutulungan na lamang niya ang kanyang mga anak sa gawaing bahay. Isa sa kanyang mga anak ay isang part-time welder, habang ang isa naman ay hairstylist sa isang maliit na salon. Matagal na rin siyang hiwalay sa kanyang asawa.
Upang makatulong sa gastusin, si Julieta ay tumatanggap ng labada. Suportado rin siya ng anak na hairstylist na hindi pa pamilyado. Araw-araw, binibigyan siya ng allowance na ₱50, sapat pambili ng pagkain. Kapag mas malaki ang kita, umaabot ito sa ₱100.
May iniindang asthma si Julieta, kaya hindi niya kayang gumawa ng mabibigat na trabaho. Gayunpaman, hangad pa rin niyang magkaroon ng maliit na tindahan. Pangarap niyang magtinda ng mga frozen meat dahil alam niyang mabenta ito. Ngunit wala siyang puhunan upang masimulan ito.
Lubos na nagbago si Julieta. Ayaw na niyang balikan ang masalimuot na karanasan ng kanyang nakaraan. Tapat ang kanyang hangarin na mamuhay nang marangal at hindi na kailanman masangkot pa sa gulo.
Ang PRESO Inc. ay kumakatok sa mga may mabubuting puso upang tulungan si Julieta na magkaroon ng kabuhayan. Bagamat siya ay 51 taong gulang na, masidhi ang kanyang hangaring mabuhay nang mas maayos at maging isang produktibong mamamayan.
Dasal ng PRESO Inc. na sana ay makatanggap si Julieta—at ang iba pang gaya niyang nais magbago—ng sapat na tulong upang makapagsimulang muli.
________________________________________
If you would like to support the PRESO Foundation in providing financial assistance to deserving PDLs, please reach out to the Foundation at 0906-822-1625. Alternatively, you may contact Ms. Nita Silva Mangaser or Sol Baltazar through their Facebook page or Messenger.
Comments