Isang Paglalakbay na Pinagningning ng Pagmamahal
- Madelyn N. Solito
- May 9
- 2 min read
Updated: Jun 2
(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Si Jennifer (di tunay na pangalan) ay kinasuhan ng qualified theft noong Marso 2023, matapos siyang pagbintangang nagnakaw ng halagang PHP 84,000 mula sa cellphone at accessories store kung saan siya nagtatrabaho bilang cashier. Noong Nobyembre 2023, siya ay nakulong sa Payatas Jail—isang lugar na sadyang mahirap, na ayon sa kanya ay walang liwanag ng araw, madilim ang selda, at hindi makain ang pagkain. Nailipat siya sa Karingal, kung saan mas maayos ang kalagayan ng mga PDL.
Sa tulong ng PRESO Inc.—isang organisasyong tumutulong sa mga first time offender, low risk , at mahihirap na PDL—nakalaya siya noong Abril 2024. At noong Abril 2025, tuluyan nang ibinasura ang kaso laban sa kanya at siya ay pinawalang-sala.
Siya ang breadwinner sa kanilang pamilya. Kaya nag-alala siya sa pag-aaral ng kanyang bunsong kapatid na nasa elementarya pa. Wala ring trabaho noon ang kanilang ama na isang construction worker.
Habang nasa loob ng kulungan, sumali si Jennifer sa mga spiritual at livelihood activities tulad ng misa at Bible sharing. Doon niya mas lalong nakilala ang Diyos at ang tunay na kalagayan ng maraming bilanggo.
Dati, akala niya lahat ng nakakulong ay masama at nararapat lang na mabulok sa loob. Pero nang siya mismo ang makaranas, naunawaan niya na maraming tao ang biktima ng maling sistema at panghuhusga.
Isang araw, ni-refer siya ng trustee ng BJMP kay PRESO Inc. dahil napansin ang kanyang mabuting asal. Tumutulong siya sa mga gawaing bahay sa selda at sa mga trustee, nag-aayos ng gamit, at laging maayos makisama.
Noong una, akala niya scam lang ang PRESO Inc.—dahil sino ba naman ang tutulong sa mga tulad nilang ikinukulong at inaayawan ng lipunan?
Pero hindi pala. Si Sis Sol ng PRESO Inc. ang nag-asikaso ng lahat—mula sa papeles, pagtawag sa pamilya, hanggang sa tulong pinansyal para makalaya siya pansamantala habang nililitis ang kanyang kaso.
Paglabas niya, isang mabigat na problema agad ang sumalubong—wala na silang bahay. Pinalayas sila sa apartment dahil sa di nabayarang renta. Naiwan sa loob ang lahat ng kanilang gamit, at hindi niya alam kung saan magsisimula.
Napilitan silang tumira sa isang sementeryo, kung saan employed na construction worker ang ama. Doon sila nagtayo ng barung-barong.
Muli, tumulong si Sis Sol. Sa pakikipagtulungan ni Bro Gerry—isang advocate para sa prison reform—nabigyan si Jennifer at ang kapatid niya ng tirahan. Inalok din siya ni Bro Gerry ng trabaho bilang cashier sa kanyang tindahan sa Sampaloc, Maynila. Libre na ang tirahan, pagkain, at may buwanang sahod pa si Jennifer.

Nakipagpartner din ang PRESO Inc. sa Daugthers of Mary Immaculate (DMI) sa pamamagitan ng Restorative Justice Ministry ng Diocese of Cubao para masuportahan ang pag-aaral ng kapatid ni Jennifer. Ang DMI ay isang samahang simbahan na nagbibigay ng educational assistance sa mga pamilya ng mga PDL.
Lubos ang pasasalamat ni Jennifer kina Sis Sol, Bro Gerry, at sa PRESO Inc. Para sa kanya, sila ay mga kasangkapan ng Diyos na nagsilbing ilaw sa kanyang pinakamadilim na yugto.
Ngayon, nag-iipon si Jennifer at naghahanap ng mas pangmatagalang trabaho. Habang naghihintay, buong puso siyang tumutulong sa tindahan ni Bro Gerry bilang pasasalamat.
Pangarap ni Jennifer na maging ganap na independent. Para sa kanya, ito ang pinakamagandang paraan upang masuklian ang lahat ng kabutihang loob na kanyang natanggap.
Comentarios