top of page

Isang Paglalakabay

  • Writer: PRESO Inc.
    PRESO Inc.
  • Jun 6
  • 4 min read

1st National Conference of Persons Restored of Liberty, held last May 22, 2026, placed formerly incarcerated individuals at the center of criminal justice system-reform. It recognizes that those who have experienced arrest, detention, incarceration, and reintegration offer valuable insights toward building a more humane, effective, and responsive justice system.


Here is the sharing of Sally (not her real name), a PRL that spent 30 years in prison.



Ako si Sally (not her real name), walumpu’t isang taong gulang. Dating guro sa pampublikong paaralan. Nagtapos ako ng Bachelor of Science in Elementary Education at buong buhay ko’y ginugol sa pagtuturo.


Nais kong makapagbigay ng magandang kinabukasan para sa aking mga anak, kaya noong panahong gipit kami sa buhay, nagdesisyon akong mangibang-bansa. Sa anim na taon kong pagtatrabaho sa abroad, tuluyan akong nabaon sa mga problemang pinansyal. Pagbalik ko sa Pilipinas, hindi na ako nakabalik sa pagtuturo, kaya napasok ako sa ilegal na recruitment, isang desisyon na tuluyang nagbago sa takbo ng aking buhay.


Noong 1994, ako ay inaresto ng NBI sa mismong bahay ko. May dalang warrant of arrest at sinabing ako ay sangkot sa illegal recruitment. Wala akong pagkakataong makapaghanda o makapagsalita; biglaan ang lahat. Sa panahong iyon, wala pang kasabay na media, ngunit malinaw na ang tingin nila sa akin ay isang “big fish.”


Sa unang anim hanggang pitong buwan, ako ay nanatili sa kustodiya ng NBI. Kalaunan, ako ay inilipat sa Manila City Jail. Doon ko naranasan ang una kong mahabang pagkakakulong. Hindi ganoon kasikip noong mga panahong iyon, at maayos naman ang kalinisan dahil aktibo ang mga kababaihan sa pagpapanatili nito. Mula noon, sinubukan kong muling hanapin ang layunin ko sa buhay. Dahil guro ako, naging volunteer ako sa Alternative Learning System (ALS), nagtuturo sa mga kabataang PDL na gustong makapagtapos ng basic education. Naging tagapagsalita rin ako sa chapel bilang commentator tuwing misa. Sa ganitong paraan, natutunan kong ang kulungan ay hindi kailangang maging katapusan ng isang pagkatao, kundi maaaring maging lugar ng pagtubos.


Ngunit hindi naging madali ang proseso ng hustisya. Siyam na taon ang lumipas bago ako tuluyang nasentensyahan. Ang kaso ko ay non-bailable, kaya’t kailangan kong harapin ang bawat araw nang may pangamba. Maraming beses naantala ang pagdinig—paulit-ulit na postponement, paulit-ulit na pag-asa. Madalas ay dahil sa common name na ginamit, kaya kahit natapos na ang kaso, may mga hearing pa ring ipinapatawag. Ang mga abogadong humawak ng kaso ko ay nagpalit-palit—una’y pribado, pagkatapos ay PAO—ngunit limitado ang kanilang kakayahan dahil sa dami ng kasong hawak at sa kakulangan ng resources. Wala rin akong sapat na pera para bayaran ang mga legal na gastusin.

Nang mailipat ako sa Correctional Institution for Women (CIW) sa ilalim ng Bureau of Corrections, doon ko lalong naranasan ang bigat ng sistema. Pero sa loob ng CIW, natutunan kong tanggapin na kailangang mabuhay nang may disiplina at kababaang-loob. Naging guro pa rin ako ng ALS mula 2002 hanggang sa aking paglaya. Ako rin ay naging dorm in-charge, at tinuring akong “mommy” ng mga kasamahan. Sa kabila ng limitadong pagkain at paulit-ulit na problema sa kalidad ng serbisyo, nagtulungan kami upang magtagumpay sa bawat araw. Ang pinakamabigat na laban ko ay hindi ang kulungan mismo, kundi ang mabagal na proseso ng hustisya. Dapat sana’y 2013 pa ako nakalaya, ngunit dahil sa dami ng pending cases na hindi agad naasikaso ng BuCor, tumagal pa ng mahigit sampung taon ang aking

pagkakapiit.


Kung hindi dahil sa tulong ng isang pari na nagbigay ng access sa private lawyer, maaaring hanggang ngayon ay nakakulong pa rin ako. Sa tulong na iyon, nasuri muli ang aking kaso, at makalipas ang dalawa hanggang tatlong buwan, ay naayos ang lahat ng dokumento. Napakalaki ng pagkukulang sa oversight at koordinasyon ng mga ahensya. Sobra-sobra ang bilang ng taon na ginugol ko sa loob dahil sa kapabayaan ng sistema.

Noong Marso, 2025, matapos ang tatlumpung taon, sa wakas ay nakalabas ako.


Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam—halo ng tuwa, pagod, at hindi makapaniwalang kalayaan. Sa edad kong walumpu’t isa, mahirap magsimula muli. Nagkaroon ako ng cataract at komplikasyon sa retina, ngunit sa tulong ng isang foundation, muli kong naibalik ang paningin. Wala akong natanggap na tulong mula sa gobyerno o alinmang ahensya para sa reintegrasyon. Kung mayroon man akong hiling, iyon ay sana’y may programang tutulong sa mga kagaya kong tumanda na sa loob, isang maliit na puhunan o oportunidad upang makapagsimula muli.

Sa pagninilay ko ngayon, ang pinakamalaking problema ng ating hustisyang kriminal ay ang kabagalan ng proseso. Kung sa ibang bansa, limang taon lang ang pinakamatagal na sentensiya maliban kung brutal ang krimen, dito sa Pilipinas, maraming nananatiling nakakulong dahil lamang sa mga papel na hindi gumagalaw. Ang mga maliliit na tao, lalo na ang mga kababaihan, ay laging napag-iiwanan at naaapi ng sistema.


Ang payo ko sa mga tulad kong dumaan sa ganitong karanasan ay ito: huwag mawalan ng pag-asa. Kumapit sa pananampalataya, magpasensya sa gobyerno, at higit sa lahat, alalahanin na ang pagkakakulong ay hindi katapusan ng dangal o pag-asa. Kung may pamilya kang naghihintay, huwag silang bibitawan. Sa huli, makakamit din ang liwanag ng katarungan—kahit gaano katagal ang paghihintay.

Comments


© 2018 PRESO Inc.

SEC Reg. # CN201823985

Background Image by Manila City Jail

Visitors

bottom of page