top of page

Pagpili ng Kandidato

  • Writer: Raymund Narag
    Raymund Narag
  • Apr 28
  • 2 min read

Boboto ka ba ngayong eleksyon? Ayos ’yan! Tungkulin natin yan bilang isang mabuting mamamayan.


Pero alam mo na ba kung sino ang iboboto mo? Paano nga ba pipili ng tamang kandidato? Narito ang ilang konsiderasyon gabay sa pagpili:





1. Bakit tumatakbo ang kandidatong ito?

May magandang plataporma ba siya, o tatakbo lang dahil gusto ng pamilya niya na manatili sila sa kapangyarihan?


Kung bahagi lang siya ng isang political dynasty, naku, huwag na! Kaduda-duda ang motibo niyan, at malamang sa pwesto lang sila kikita.


2. May kakayahan ba siya?

May sapat na edukasyon at karanasan ba ang kandidato para gampanan ang trabaho? Marunong ba siyang magpahayag ng mga ideya, o puro pakilig-kilig lang, kanta, at sayaw para makuha ang boto? Kung popularidad lang ang puhunan, naku, huwag na rin! Baka maging sunud-sunuran lang yan sa iba. “Kalabaw” lang—“oonga” lang nga “oonga” kahit walang naiintindihan. Magiging kasabwat lang yan sa anomalya.


3. May matinong character ba?

Tapat ba siya? Hindi ba siya sangkot sa katiwalian, droga, pagsusugal, o ibang bisyo? Kung babaero o maraming pamilyang binubuhay, malamang gagamitin niya ang posisyon para pagkakitaan ang gobyerno.


4. Ano ang posisyon niya sa mga mahahalagang isyu?

Paano niya sasagutin ang mga problema ng bansa tulad ng korapsyon, political dynasty, kahirapan, kawalan ng trabaho, trapiko, West Philippine Sea, climate change, at edukasyon? Ano ang gagawin niya sa drug problem? Pagpapatayin lang ba ang mga addict? Kung wala siyang konkretong sagot sa mga ito, naku, hindi siya handa! Tumakbo lang yan para sa pansariling interes.


5. Paano mo malalaman ang lahat ng ito?

Magbasa, makinig, at manood nang kritikal. Huwag basta-basta maniniwala sa mga bayarang bloggers, vloggers, at social media influencers. Magsaliksik ka gamit ang tamang impormasyon mula sa mga eksperto at scholars.

Sumali sa mga diskusyon at organisasyon na nagpapaliwanag ng mga isyu.


6. Pinakamahalaga: Huwag na huwag mong ibebenta ang iyong boto!

Kapag binenta mo ang boto, talo ka na agad. Ang ginastos ng mga kandidatong bumili ng boto ay babawiin nila sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kapag nagbebenta tayo ng boto, wala nang pagkakataon ang mga magagaling na walang pera.


Talo tayong lahat.


Nasa kamay mo ang kinabukasan ng eleksyon. Kung sawa ka na sa mga kurakot at walang silbing pulitiko, magising ka na!


Para ito sa kinabukasan ng iyong mga anak.


Lagi na lang tayong pinagtatawanan; kung gusto nating umasenso bilang bayan, panahon na para bumoto nang maayos at matalino.

Comments


© 2018 PRESO Inc.

SEC Reg. # CN201823985

Background Image by Manila City Jail

Visitors

bottom of page