Panibagong pagkakataon para kay Aling Tanya
- Madelyn N. Solito

- May 23
- 2 min read
(Stories of Hope, Resiliency and Restoration - Tagalog)

Sa edad na 66, si Aling Tanya (hindi tunay na pangalan) ay patuloy na nagsusumikap at namumuhay nang hindi umaasa sa kanyang mga anak. Isa siyang street sweeper sa Brgy. 597 at tumatanggap din ng labada upang matustusan ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ngunit sa kabila ng kanyang kasipagan, dumanas si Aling Tanya ng isang mapait na karanasan. Noong Nobyembre 2022, siya ay nakulong sa Manila City Jail matapos masangkot sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law. Napagbintangan siyang nagsanla ng alahas na diumano’y mula sa nakaw.
Ayon sa kanya, walang masamang intensyon ang kanyang ginawa. Ang alahas ay ipinapasangla lamang sa kanya ng isa sa mga kaibigan ng kanyang anak. Hindi niya inakalang ang simpleng pagtulong ay mauuwi sa akusasyon. Dumating ang mga magulang ng bata at siya ang itinuro bilang sangkot sa krimen.
Sa tulong ng BJMP, siya ay nakalapit sa PRESO Inc. Matapos ang masusing pagsusuri sa kanyang kaso, rekord, at asal sa loob ng kulungan, napag-alamang siya ay kwalipikado sa Community Bail Bond Program ng PRESO Inc. Sila ang nag-asikaso at nagbigay ng kanyang piyansa.
Sa kabutihang palad, napatunayan sa huli na wala siyang kasalanan at siya ay nakalaya sa bisa ng release order noong Hulyo 2023.
"Napakahirap sa loob," ani Aling Tanya. "Walang lasa ang pagkain. Sisikapin kong itaguyod ang aking buhay sa marangal na paraan. Ayaw ko nang muling maranasan ang sakit ng pagkakakulong."

Ang karanasang ito ay malalim na nakaapekto sa kanyang pananaw sa buhay. Mas naging maingat na siya sa mga taong kanyang pinagkakatiwalaan, at natutunan niyang huwag basta-basta papasok sa anumang bagay nang hindi lubos na nauunawaan. Isa rin itong wake-up call para sa kanyang anak, na ngayo’y mas nagiging responsable at mas nagpapakita ng paggalang sa kanyang ina.
"Sa mga nangyari, mas pinili kong patawarin kaysa magkimkim ng galit," dagdag niya. "Ang mahalaga, malaya na ako, at may panibagong pagkakataong itama ang mga pagkakamali," anya ni Aling Tanya.
________________________________________________
If you would like to support the PRESO Foundation in providing financial assistance to deserving PDLs, please reach out to the Foundation at 0906-822-1625. Alternatively, you may contact Ms. Nita Silva Mangaser or Sol Baltazar through their Facebook page or Messenger.




Comments